Kung ikaw ay Batang Nobenta, hindi puwedeng hindi mo kilala ang grupong Eraserheads (nakilala rin bilang E-Heads). Sila ang nagpasimula ng muling pagsikat ng Pinoy Alternative Rockband na bahagyang lumamlam noong dekada otsenta. 1989 noong mabuo ang grupo na kinabibilangan nina Ely Buendia, Marcus Adoro, BuddyZabala at Raimund Marasigan. Halos lahat ng awitin ng grupo ay sumikat. Naging matindi ang naging hatak at implowensiya nila sa publiko lalo na sa mga kabataan. Ilan sa mga pinakasumikat nilang kanta ay ang "Toyang", "Pare Ko", "Magasin", "Ang Huling El Bimbo", "Para Sa Masa" at napakarami pang iba. Lahat ng concert at gigs nila eh hindi mahulugang karayom sa dami ng taong nanonood. Isa rin ang E-Heads sa mga pinaka-epektibong product endorser sa telebisyon.
Marami ang nalungkot nang bahagyang mawala sa limelight ang banda. Nakumpirma na nagwatak na sila sa pag-alis ni Ely noong 2002. Hanggang sa naisipan ng grupo na pagbigyan ang mga fans na humihiling na sila'y mag-reunite sila sa mga special concert noong 2008 na isang one-night only concert lang. Natuloy ito ngunit naging maikli ang concert dahil inatake si Ely sa puso sa gitna ng pagtatanghal. Ang sabi, dahil daw sa stress at pagdibdib ni Ely sa pagkamatay ng kanyang ina.
Matapos maoperahan ni Ely, ang inakala ng marami na hindi na magkakaroon ng isa pang reunion concert ang E-Heads ay natuloy rin sa wakas. Nangyari 'yun noong March 7, 2009 sa MOA Grounds sa Pasay kung saan humigit kumulang 100,000 katao ang nanood.
Ang tindi ng karisma ng E-Heads hanggang ngayon. Hindi lang mga batang Nobenta ang nahumaling sa kanila kundi maging ang henerasyon ngayon.